Tuesday, August 11, 2015

ANG PAMILYA BILANG NATURAL NA INSTITUSYON

Ayon kay Pierangelo Alejo (2004), ang pamilya ang pangunahing institusyon sa lipunan na nabuo sa pamamagitan ng pagpapakasal ng isang lalaki at babae dahil sa kanilang walang pag-iimbot, puro, at romantikong pagmamahal - kapwa nangakong magsasama hanggang sa wakas ng kanilang buhay, magtutulungan sa pag-aaruga at pagtataguyod ng edukasyon ng kanilang mga magiging anak.  Ayon pa rin sa kanya, ang pamilya ay isang kongkretong pagpapahayag ng positibong aspekto ng pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan ng kawanggawa, kabutihang loob, at paggalang o pagsunod.      
Maaaring patuloy na nagkakaroon ng ebolusyon sa kahulugan ng pamilya ngunit isa ang mananatili, ang pamilya ay isang likas na institusyon. Bakit nga ba? Basahin mo at unawain sa ibaba ang pitong mahahalagang dahilan:


Ang pamilya ay mayroong misyon na bantayan, ipakita, at ipadama ang pagmamahal. Ito ay itinatag bilang isang malapit na komunidad ng buhay at pagmamahal. Ang bawat partikular na gawain ng pamilya ay pagpapahayag at pagsasabuhay ng pangunahing misyon na ito. Kung walang pagmamahal, ang pamilya ay hindi matatawag na pamayanan ng mga tao. Hindi rin ito ganap na iiral, lalago, at hindi makakamit ng mga miyembro nito ang kaganapan
Ang kapangyarihan ng pamilya bilang isang lipunan ay nakasalalay sa ugnayang umiiral dito.  Mapangangalagaan ito ng mga batayang karapatan ng tao. Lumikha ang pamilya ng mga karapatang pantao upang suportahan ang bawat kasapi sa kanilang pagganap ng kanilang mga tungkulin sa kanilang pamilya.  Mahalagang mabigyang-tuon ang mabuti at malalim na ugnayan sa pamilya upang magampanan nito ang kanyang tunay na layon, ang mapagyaman ito (pamilya) para sa kapakinabangan hindi lamang ng mga kasapi nito kundi maging ng lipunan. Ang pamilya ay isang mabuting pangangailangan ng lipunan (necessary good for society); kaya’t kapag hindi ito iginalang, mapanira ang epekto nito sa lipunan sa kabuuan.  Ngunit kailangan ding mabigyang-diin na ang lipunan ay umiiral para sa kapakanan ng mga pamilya at hindi ng kabaligtaran nito. Kung ang kabutihan ng  pamilya ay napagyayaman, naitataguyod, at napangangalagaan ng lipunan, ang bawat kasapi nito ay nabibigyan ng pagkakataon na makamit ang kanyang kaganapan sa isang maayos na kapaligiran na angkop para sa paghubog ng mga panlipunang birtud at pagpapahalaga. (de Torre, J., 1977)
Mahal kita dahil
ikaw ay ikaw…

Nabuo ang pamilya sa pagmamahalan ng isang lalaki at babaeng nagpa-syang magpakasal at mag-sama nang habambuhay.
Nilikha ng Diyos ang tao bung a ng kanyang pagmamahal at kasabay nito siya rin ay tinawag upang magmahal; kaya’t likas ang pagmamahal sa tao. Ang isang lalaki at babae na nagpasyang magpakasal at magsama habang buhay ay tumutugon sa tawag ng Diyos na magmahal. Ang pagpapakasal ng dalawang taong nagmamahalan ang magpapatibay sa isang pamilya – dito ipinakikita ang pagsasama ng buhay at pagmamahal, ang pagbibitiw ng mga pangako na nagpapatibay sa pagbibigay-halaga sa tao bilang tao at hindi isinasaalang-alang ang anumang mayroon ng isa.
Ang pagmamahal na namamagitan sa mag-asawa (conjugal love) ay nakapagbibigay-buhay (dahil nakatakda ito sa pagkakaroon ng anak), kaya patungo ito sa pagmamahal ng magulang (paternal love).  Nabuo ito dahil sa pagmamahal. Ito ang tanging “samahan” na di dapat piliin, ihalal o iboto ang mga namumuno; kinikilala dito ang pamumuno ng ama at ina. Hindi rin kailangang manghikayat ng mga miyembro upang dumami ang mga kasapi nito, likas na dumarami ang mga kasapi nito na bunga ng pagmamahalan. Ang ugnayan ng mga kasapi nito ay pinagtitibay ng pagmamahalan maging magkalayo man ang mga kasapi nito, napananatili itong buo dahil sa bigkis ng pagmamahal. Ang isang kasapi ng pamilya na nalayo sa pamilya bunga ng pangingibang-bansa ay baon ang pagmamahal ng pamilya sa kanyang pag-alis. Pinapawi ng mga larawan sa pitaka o sa ibabaw ng kanilang mesa ang pangungulila. May mga pagsasakripisyong kailangang gawin na magbubunga ng pisikal na pagkakalayo ngunit hindi nito mapaglalayo ang kanilang diwa na nakatatak ang pangakong magsasama at magmamahalan habang buhay.
 Ang pamilya ay biyaya sa lipunan. Sa kanila nakasalalay ang katiwasayan nito.

Ang pamilya ang una at pinakamahalagang yunit ng lipunan.  Ito ang pundasyon ng lipunan at patuloy na sumusuporta dito dahil sa gampanin nitong magbigay-buhay.
Ang bawat isang sanggol na ipinanganganak  sa mundo sa bawat segundo ay nagmumula sa isang pamilya. Dito unang sumisibol ang bawat mamamayan na magiging mahalagang bahagi ng lipunan, ang mga magiging kasapi ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Ito ay dahil layunin ng pamilya ang pag-aanak at edukasyon ng mga anak. Ito ang dahilan kung bakit ang pamilya ang itinuturing na una at pinakamahalagang bahagi ng lipunan – ito ay biyaya sa lipunan. Kaya mahalagang ito ay maayos na kilalanin at bigyan ng sapat na suporta ng lipunan. Sabi nga, walang lipunan kung walang pamilya. Kung hindi maayos ang pam ilya, tiyak na hindi rin magiging maayos ang lipunan. Kung maayos ang lahat ng pamilya, tiyak na magiging matiwasay ang lipunan. Kaya nararapat lamang na magkaisa ang lahat ng pamilya sa kanilang layunin na itaguyod ang kapakanan ng lipunan sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos. Mahalagang maging bukas ang pamilya sa kapwa pamilya at maayos na gampanan ng bawat kasapi nito ang kanilang tungkulin sa lipunan.
Ang pamilya ang orihinal na paaralan ng pagmamahal.
Sa pamilya, binibigyang-halaga ang kasapi dahil sa pagiging tao niya, hindi dahil sa kanyang kontribusyon o magagawa sa pamilya. Ang ugnayang dugo ang likas na dahilan kung bakit itinuturing ang kapamilya bilang parang sarili (another self), may dignidad at may karapatang mahalin dahil sa pagiging tao niya at hindi sa kung anong mayroon siya (halimbawa, kapangyarihan, kagandahan o talento.) Hindi ito kumikilos batay sa prinsipyo ng paggamit lamang (principle of utility).
Bilang natatanging miyembro ng pamilya, hindi siya basta pinapalitan kung hindi man niya magampanan nang maayos ang kanyang pananagutan.  Samantalang sa isang kompaniya o samahan, kung hindi tutupad sa kanyang tungkulin ang isang kasapi maaari siyang palitan ng taong may higit na katangian at makagaganap ng nasabing pananagutan.  Ito ay hindi maaaring gawin sa miyembro ng pamilya. Ang ama kung mawalan ng trabaho ay hindi pwedeng pagpasyahan ng mag-iina na alisin na siya bilang ama.  Siya pa rin ang ama at ang paggalang sa kanya ay hindi mababawasan kung wala siyang trabaho.  Ganoon din, hindi rin nababawasan ang kanyang dignidad kung wala siyang trabaho.  Kaya nga, kahit sa panahon ng materyalismo na kung saan pinahahalagahan ng ilan ang pakinabang na makukuha sa tao kaysa sa halaga niya bilang tao, dapat makintal sa isip ng bawat miyembro ng pamilya na bigyang-halaga ang kapamilya kahit hindi ito makatugon sa bawat inaasahan sa kanya. Ito ay dahil umiiral sa pamilya ang pagmamahal na lubusan at walang hinihintay na kapalit (radical and unconditional love). Ang isang sanggol na nasa sinapupunan pa lamang ng ina ay minamahal na ng kaniyang  mga magulang kahit hindi pa nila nakikita ang kaniyang anyo – ang mensahe ng pagmamahal na ipinararating sa pamamagitan ng haplos; ang pag-aalaga sa kalusugan ng ina dahil alam na ito ay para rin sa kapakanan ng batang nasa sinapupunan; at ang pagtitiis sa matinding kirot bunga ng pangangak dahil alam na pagkatapos nito ay hindi maipaliwanag na kaligayahan dahil masisilayan na ang biyayang pinakahihintay – lahat ito ay dahil sa pagmamahal na hindi nakabatay sa kaanyuan, katangian, at kakayahan. Ang bawat kasapi ng pamilya ay hindi matutumbasan ng kahit na anong halaga, sila ay minamahal at tinatanggap dahil siya ay siya.
Sa pamilya, ipinararanas sa tao kung paano mahalin upang ganap niyang matutuhan kung paano ang magmahal. Ito ang kauna-unahang lugar kung saan natututuhan ng tao ang tunay na kahulugan ng pagiging tao – ang isang tao na binibigyang, halaga para sa kanyang sariling kapakanan at nakakamit ang kaganapan sa pamamagitan lamang ng matapat na pag-aalay ng sarili para sa kapwa.
     Ang pamilya ang una at hindi mapapalitang paaralan para sa panlipunang buhay (the first and irreplaceable school of social life).
Ang pamilya ang pinakaepektibong paraan upang gawing makatao at mapagmahal ang lipunan.  May orihinal na kontribusyon ito sa pagtatayo ng mundo, sa pamamagitan ng pangangalaga at pagtuturo ng mga pagpapahalaga.  Dito umuusbong ang mga panlipunang pagpapahalaga na nakatutulong sa pag-unlad ng lipunan. Una rito ang ugnayan (communion) at pakikibahagi na dapat umiiral sa araw-araw na buhay-pamilya. Nagagabayan ng batas ng malayang pagbibigay (law of free giving) ang ugnayan sa pagitan ng mga miyembro nito. Tatalikuran ng mundo ang isang tao dahil sa kanyang pagkakasala ngunit mananatiling nakaalalay at naniniwala sa kanya ang kanyang pamilya – mananatili sa kanyang tabi upang gabayan siyang baguhin ang kaniyang buhay. Nakahandang magsakripisyo ang mga magulang para sa pag-aaruga ng anak na may kapansanan, papasanin kung kinakailangan para maihatid siya sa paaralan. Ito ay dahil sa pagnanais ng mga magulang na matanggap ng anak ang anumang tinatamasa ng lahat ng batang katulad niya.  Lahat ng ito ay malayang ibinigay bunsod ng pagmamahal.
Ang paggalang at pagpapatatag ng sariling dignidad ng bawat kasapi ng pamilya ang nagiging batayan upang ang malayang pagbibigay sa iba ay buong pusong tanggapin at magkaroon ng pagkakaisa.  Iginagalang ng bawat isa ang dignidad ng kapwa miyembro, kaya’t ang malayang pagbibigay ay ipinakikita sa taos-pusong pagtanggap,paglilingkod,dayalogo,malalim na pagkakaisa, at pagtutulungan. 
Ang ganitong ugnayan na umiiral sa pamilya ang una at hindi mapapalitang paaralan para sa panlipunang buhay, ang halimbawa at ugat ng mga ugnayan sa lipunan. Ang pakikitungo ng lalaki sa kanyang maybahay, ang pag-aasikaso ng babae sa kanyang asawa at ang pagtrato ng ama o ng ina sa kanyang mga anak ay pinag-uugatan ng iba’t ibang pagpapahalagang panlipunan. Ang pag-uunawaan na nakikita ng mga anak sa kanilang mga magulang ay magtuturo sa mga anak na maging malawak ang pag-unawa sa kaniyang kapwa. Kapag maayos ang samahan ng pamilya sa loob ng tahanan, mas magiging madali para sa isang anak na makitungo sa kaniyang kapwa, hindi siya mababalot ng takot o kawalang tiwala, bagkus laging ang mananaig ay ang pagmamahal na naitanim sa loob ng tahanan.
”Sa  aking mga magulang ay natutuhan ko ang pagmamalasakit sa kapwa, ang pagiging matipid at ang pamumuhay nang simple. Sa aking ama, natutuhan ko na ang panga-ngalaga sa integridad  ng pagkatao at ang karangalan ng pamilya ang pinakamahalaga sa lahat.”
     -Sec. Jesse Robredo
Magandang halimbawa rito ay ang dating kalihim ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokan na sidating Sec. Jesse Robredo. Si dating Sec. Jesse Robredo ay nagsilbi sa pamahalaan sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Noynoy Aquino, ang kanyang pagkamatay ang nagbukas sa maraming tao ng kanyang pagiging buhay na halimbawa ng matapat na paglilingkod. Winika niya sa isang panayam na mula sa kanyang mga magulang ay natutuhan niya ang pagmamalasakit sa kapwa, ang pagiging matipid, at ang pamumuhay nang simple. Sa kanyang ama, natutuhan niya na ang pangangalaga sa integridad  ngkanyang pagkatao at ang karangalan ng pamilya ang pinakamahalaga sa lahat. Ang mga ito ay tungkulin ng lahat ng kasapi ng pamilya na isabuhay at ito ang naging gabay niya sa kanyang panunungkulan.
Ang mga pagpapahalagang-panlipunan na natutuhan sa tahanan ay gagamitin ng bata sa pakikitungo kaniyang kapwa. Mahalagang maibigay na biyaya ito sa kanya upang maging madali para sa kanyang hanapin ang kanyang kaganapan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba. Makakamit ang kaganapan ng pagkatao kung kapwa maituturing ng mga tao ang isa’t isa bilang tao.
May panlipunan at pampolitikal na gampanin ang pamilya.
          Hindi nilikha ang pamilya para sa kanilang sarili lamang. Mayroon itong tungkulin sa lipunan kung saan ito ay isang mahalagang bahagi. Una rito ang iba’t ibang paraan ng pagbubukas ng tahanan sa kapwa (hospitality) tulad ng pagpapakain sa nagugutom o pagbigay ng baso ng tubig sa nauuhaw. Maaari rin namang magbigay ng panahon upang alamin ang pangangailangan ng kapwa o kaya’y pagtulong sa pagtatayo ng bahay sa mga nasunugan o ang pagtulong sa paglilipat sa mga binaha. Isang totoong kuwento na pinakamagandang halimbawa nito ang naibahagi ng isang pamilyang nakatira sa Malabon. Ayon sa kanilang ibinahaging karanasan:

“Maaaring magkaroon kami ng dahilan para malungkot sa dalawang nakalulunos na pangyayari, ngunit mas nangingibabaw ang pagkalugod dahil sa dalawang pagkakataon naramdaman namin ang pagtanggap, pagmamalasakit at pagmamahal ng mga pamilyang ginamit na instrumento ng Diyos upang tugunan ang aming panalangin sa panahon ng pangangailangan.”

        “Nang maganap ang bagyong ONDOY bumaha sa aming lugar at umabot sa aming bahay. Hanggang baywang na ang tubig sa loob ng bahay at patuloy ang pagtaas ng tubig. Ang malakas at mabilis na agos ng tubig ang nagtulak sa aming magpasyang lumipat ng bahay. Kasabay nito ay may lumapit na isang kakilala at inalok ang kanilang bahay upang aming tuluyan. Sa loob ng tatlong araw, kinupkop nila ang aming pamilya.
Nang maganap ang malakas na ulan bunga ng HABAGAT naulit ang kasaysayan sa aming bahay. Ngunit sa pagkakataong ito hindi pa man kami nagpapasyang umalis ng aming bahay, may dumating na isang kapitbahay at sinusundo kami upang patirahin sa kanilang tahanan. Sa loob ng apat na araw kami ay kinupkop ng isa na namang pamilya.
Maaaring magkaroon kami ng dahilan para malungkot sa dalawang nakalulunos na pangyayari, ngunit mas nangingibabaw ang pagkalugod dahil sa dalawang magkahiwalay na pagkakataon, naramdaman namin ang pagtanggap, pagmamalasakit at pagmamahal ng mga pamilyang ginamit na instrumento ng Diyos upang tugunan ang aming panalangin sa panahon ng pangangailangan.”
             Kasama sa panlipunang tangkilis ng pamilya ang gampaning politikal tulad ng pagbabantay sa mga batas at institusyong panlipunan – kung ang mga ito’y sumusuporta at pinagtatanggol ang mga karapatan at tungkulin ng pamilya.  Kaya may pananagutan ang pamilya na baguhin ang lipunan sa pamamagitan ng pakikisangkot sa mga isyu at usapin – at hindi nakatuon sa kapakanan ng sariling pamilya lamang.
       Mahalagang misyon ng pamilya ang pagbibigay ng edukasyon, paggabay sa mabuting pagpapasiya at paghubog ng pananampalataya.

              Bukod sa pagkakaroon ng anak, may pananagutan ang mga magulang na gabayan ang anak upang lumaki at umunlad ito sa mga pagpapahalaga at maisabuhay ang misyon ng Diyos para sa kanya.  Ang tungkulin ng mga magulang na magbigay ng edukasyon ang bukod-tangi at pinakamahalagang gampanin ng mga magulang.  Ito ay hindi mapapalitan (irreplaceable) at hindi mababago (inalienable) kaya’t hindi puwedeng ipaubaya o iasa ang tungkuling ito sa iba.  Kasama sa edukasyong ito ang pagsasanay ng mga anak sa pagsasabuhay ng mga pagpapahalaga tulad ng simpleng pamumuhay, katarungan (sa pamamagitan ng paggalang sa dignidad ng kapwa), paggabay sa mabuting pagpapasiya, edukasyon sa pananampalataya, at pagpapaunlad nito.      
Ang mga pagpapahalagang maitatanim sa puso ng mga anak ang siyang magtuturo sa kaniya na maging maingat at maayos sa kaniyang mga pagpapasya. Ngayon na nahaharap ang mga kabataan sa mundong unti-unti ang paglaganap ng mga negatibong impluwensya, mahalagang taglay nila ang mga pagpapahalagang kailangan para sa maingat na pagpapasya.
Bukod sa pagiging modelo ng mga pagpapahalaga, ang mga magulang ay dapat na mamuno at manguna sa pananalangin kasama ang anak, magbasa at pabasahin ng mga aklat ang mga anak tungkol sa pananampalataya at mamuno sa regular na pagtuturo tungkol sa pananampalataya (hal. Qu’ran sa mga Muslim at Bibliya sa mga Kristiyano).  Upang makamit ang edukasyon sa pananampalataya, kailangang makipag-ugnayan ang pamilya sa ibang insittusyon tulad ng paaralan at simbahan/sambahan.
Sa pamilya umuusbong ang pagkatao ng bawat kasapi ng pamilya. Ang mga hindi matatawarang halimbawa ng mga magulang ang magsisilbi gabay ng mga anak sa kanilang pamumuhay sa hinaharap. Ang ihanda sila sa buhay panlipunan ay isang regalong hindi kailanman matutumbasan ng anumang halaga – hindi ito mauubos at hindi mananakaw ninuman.
Pagtutulungan ng Pamilya
Ang pagtutulungan ay natural ding dumadaloy sa pamilya sapagkat kaligayahan ng bawat kasapi na makitang mabuti ang kalagayan ng buong pamilya. Kilala ang pamilyang Pilipino sa walang hanggang pagkalinga sa kanilang mga anak. Palaging nakahandang tumulong ang mga miyembro sa oras ng pangangailangan ng bawat isa. Sa ating bansa, likas ang pag-aaruga sa nakatatanda. Hindi hinahayaan ang ina o amang tumatanda na maiwan sa nursing home katulad ng mga dayuhan bagkus sila ay aalagaan hanggang sa huling yugto ng kanilang buhay. Hindi man maalagaan ng lahat ng mga anak ay patuloy ang pagtulong pinansiyal ng ilan. Katulad ng ibang mga pagpapahalaga, ito rin ay itinanim ng mga magulang sa kanilang mga anak. Mula pa nang sila ay maliliit sinasanay na sa paghahati-hati ng mga gawaing bahay, binibigyan ng tungkulin ang mga mas nakatatandang kapatid sa kanilang nakababatang kapatid,at nagtutulungan ang bawat isa sa kanilang mga takdang-aralin.

Maituturing na labis na kabutihan ang hindi talikuran ang isang kasapi ng pamilya sa oras ng pangangailangan ngunit mahalagang tandaan na ang pagtulong ay may hangganan. Kailangang matiyak na hindi ito nagdudulot ng labis na pagiging palaasa. Kailangan ding matulungan ang isang anak na tumayo sa kanilang sariling mga paa sa takdang panahon. Hindi makatutulong kung laging nariyan ang magulang upang tugunan ang pangangailangan ng mga anak. Sa takdang panahon, kailangan na nilang mamuhay nang mag-isa at malayo sa kaniyang pamilya. Sa ganitong paraan mas matutulungan ang isang anak na hanapin at matagpuan ang kanyang pagkatao.